Special Olympics BC track athlete

Ang programang Espesyal na Olimpiko ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga taong may intelektwal na kapansanan na makipaglaro sa mga katulad din nila, bumuo at paghusayin ang kanilang mga kakayahan, at mamuhay nang malusog. Kung ikaw ay kinakikitaan ng kakayahang maging atleta o kaya ay interesadong sumali sa aming kilusan bilang isang boluntaryo,magkakaroon ka ng maraming pagkakataon upang makatulong sa makabuluhang paraan! Bilang isang atleta, maari kang magsanay at lumahok sa mga paligsahang pampalakasan mula sa bocce hanggang sa floor hockey. Bilang isang boluntaryo naman, maaari kang maging isang tagasanay, tagapangasiwa ng mga laro, o tagaayos ng mga gawain sa likod ng mga kaganapan, at maraming iba pa. Kahit isang oras lang kada linggo ay maaari ka nang makapagdulot ng malaking pagbabago!

Ano ang aming iniaalok sa mga atleta

Mga Laro

Ang Espesyal na Olimpiko ay nag-aalok ng mga programang para sa laro, kabataan, at pagpapalakas ng katawan para sa lahat ng edad at iba’t-ibang kakayahan - mula sa mga baguhan hanggang sa kampeon sa buong mundo – lahat nang ito ay nasa iyong lokal na komunidad! Marami sa mga atleta ang dumadalo sa aming mga programa tuwing linggo dahil nawiwili sila sa mga nakagawiang kasiyahan, pakikipagkaibigan, at mga nakakabuting libangan. Marami namang sumasailalim sa matinding pagsasanay upang makalahok sa mga paligsahang pampalakasan at maabot ang sariling kahusayan, at marami rin sa kanila ang may layuning isang araw ay makakasali rin sila sa mga paligsahan ng Espesyal na Olimpiko sa palarong panlalawigan, pambansa, at buong mundo.

Sa British Columbia, ang aming mga programa ay kinabibilangan ng:

Mga Laro sa Tag-init

  • 5-pin & 10-pin bowling
  • Basketball
  • Bocce
  • Golf
  • Powerlifting
  • Rhythmic gymnastics
  • Soccer
  • Softball
  • Swimming
  • Track & field

Mga Laro sa Tag-lamig

  • Alpine skiing
  • Cross country skiing
  • Curling
  • Figure skating
  • Floor hockey
  • Snowshoeing
  • Speed skating

Iba pang mga programa

  • Programang pangkabataan Aktibong Panimula (mula edad 2 hanggang 6), FUNdamentals (mula edad 7 hanggang 11), at ang Larong Panimula (mula edad 12 hanggang 18)
  • Samahan para sa Pagpapalakas ng Katawan (o Club Fit)

Kalusugan at Pamumuhay

Sa Espesyal na Olimpiko, batidnamin na ang isang atleta na hindi kumakain ng pagkaing nakakalusog, hindi nagsasanay ng maayos, at hindi nakakatangggap ng sapat na pag-aasikasong medikal kung kailan niya kinakailangan ay mahihirapang maabot ang kaniyang buong kakayahan sa loob (o labas) ng laro. Ang mga atleta ng Espesyal na Olimpiko ay:

  • nagkakaroon nghigit naaktibong pamumuhay sa pamamagitan ng pakikilahok sa mga laro at sa aming programang Samahan para sa Pagpapalakas ng Katawan (o Club Fit),
  • dumadalo sa aming mga pagsusuri para sa mga malulusog na mga atleta kung saan sila ay kinakausap ng mga propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan na siyang pamilyar sa kanilang mga pangangailangan, at
  • nakikilahok sa mga pantas-aral na pang-nutrisyon para matuto kung paano magluto, magbasa ng tatak ng mga pagkain, at magmatyag sa mga kinakain.

Malinaw ang mga resulta. Sa isang pag-aaral na isinagawa sa Canada, malinaw na ipinapakita na kung ikukumpara sa mga taong may intelektwal na kapansanan sa Canada na hindi kasali sa aming mga programa, ang mga atleta ng Espesyal na Olimpiko:

  • ay 10 porsiyentong malabong magiging sobrang mataba o sumobra sa timbang,
  • ay 20 porsiyentong malabong magkaroon ng karamdaman sa sobrang pagkabalisa, at
  • sila ay magkakaroon ng mahabang buhay at higit na magandang pangkalahatang kalusugan.

Pamumuno at mga Kasanayan sa Buhay

Ang palakasan ay hindi lamang nagbibigay ng pagkakataong makapaglaro. Nanututo rin ang mga bata ng koordinasyon ng kanilang mga kamay at mga mata sa pamamagitan ng paghagis at pagsalo ng bola sa pagsasanay ng baseball. Ang paglalaro naman ng mga malapitang laro ay humahasa sa mga bata upang matuto sa nararapat gawin sa panahon ng kagipitan at kung paano sila makikiisa sa kanilang koponan upang maabot ang kanilang layunin - at masanay sa pagpapakumbaba anuman ang kalalabasan ng laro. Kung gaano kahalaga ang mga kasanayang ito kaninuman, ay ganun din kahalaga ang mga ito sa mga taong may intelektwal na kapansanan.

Maliban sa pagbuo ng mga nabanggit na kasanayan sa pamamagitan ng mga laro, ang mga atleta ng Espesyal na Olimpiko ay nagkakaroon din ng mga kasanayan na kakailanganin nila upang magtagumpay sa buhay, at ang mga ito ay:  

  • pagbuo ng malakas at matibay na komunidad na nagbibigay sa kanila ng lakas ng loob na magsalita para sa kanilang mga kasama at sa kanilang mga sarili,
  • pakikilahok sa aming programa sa Pang-Atletang Pamumuno na nagbibigay daan sa mga pagsasalita sa publiko at pagsasanay sa pamumuno, at
  • pagdalo sa mga panggabing impormasyon, mga kaganapan sa komunidad, at mga pagsusuri para sa malulusog na mga atleta na tumutuon sa iba’t ibang paksa- mula sa kung paano mag ehersisyo nang ligtas at epektibo hanggang sa sekswal na edukasyon.

 

Kung sa tingin mo mayroon kang kakayahang maging atleta o kaya ay maging boluntaryo, mangyaring makipag-ugnayan lamang sa amin dito sa Espesyal na Olimpiko upang masimulan ang malaking pagbabago sa iyong buhay. Kasama ang mahigit 4,800 na mga atleta ng Espesyal na Olimpiko na nakikilahok buong taon sa 55 na mga komunidad ng B.C. at mahigit 3,900 na mga boluntaryong masugid na umaalalay, tiyak naming makakahanap ka ng mga paraang kapakipakinabang, masaya, at makabuluhan upang makatulong sa ating komunidad! Mangyaring makipag-ugnayan lamang sa amin, sa pamamagitan ng email (info@specialolympics.bc.ca), o sa pamamagitan ng telepono (1-888-854-2276) at nang ika’y makapagsimula!

 

 

SOBC fact sheet – Tagalog